May mensahe ang party-list na Akbayan kay dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque kaugnay sa kinahaharap na kasong umano'y human trafficking na may kinalaman sa operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Pampanga.
Mababasa sa kanilang Facebook post noong Martes, Mayo 20, "Uwi ka na, galit na kami. Interpol, bring him home."
Mababasa naman sa kalakip na art card ang "Bring Harry Roque Home" na hango sa "Bring PRRD Home" na panawagan para sa pagpapauwi kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court (ICC) Detention Center na nasa The Hague, Netherlands.
Samantala, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inihahanda na nila ang mga kaukulang dokumento upang maipaaresto sa International Crime Police Organization (Interpol) si Roque, na nag-aplay naman ng asylum habang nasa ibang bansa, na nakabinbin pa.
Sa pamamagitan naman ng Facebook live noong Martes (araw sa Pilipinas), Mayo 20, nanindigan si Roque na hindi raw siya maaaring arestuhin dahil sa nabnggit na asylum application.
KAUGNAY NA BALITA: DOJ, naghahanda nang ipaaresto si Roque sa Interpol
Partidong Akbayan ang nangunang party-list sa naganap na 2025 National and Local Elections na naproklama na noong Lunes, Mayo 19.