Dalawang estudyante ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng ₱5.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang anti-illegal drugs operation sa Pasig City nitong Martes, Mayo 20.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Officer-In-Charge (OIC) PBGEN Aden Lagradante ang mga naarestong suspek na sina alyas 'Emma' at alyas 'Cristy,' 18, kapwa residente ng Brgy. Pinagbuhatan at itinuturing na newly-identified High-Value Individuals (HVI).
Batay sa ulat ng EPD, nabatid na ang mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang nakaaresto sa mga suspek sa ikinasang operasyon noong Martes sa Brgy. Pinagbuhatan.
Personal na pinuntahan ni Lagradante ang nasabing operasyon kung saan nasamsam ang 10 malalaking pakete ng iligal na droga na may timbang na nasa 792.44 na gramo at nagkakahalaga ng P5.3 milyon.
Kaugnay nito, pinuri at pinasalamatan naman ni Lagradante ang mga operatiba ng DDEU sa kanilang dedikasyon at husay sa pagsasagawa ng operasyon.
“Ang tagumpay na ito ng ating mga kapulisan ay patunay sa aming patuloy na pagsisikap at buong tapang na pagtupad sa aming tungkulin upang labanan ang iligal na droga maging ang iba pang krimen na sumisira sa ating lipunan," aniya.
Dagdag pa niya, “Ang aming mga programa at inisyatiba ay walang humpay na isinasagawa upang makamit ang aming ninanais na mapanatiling tahimik, ligtas at payapa ang bawat komunidad. Hinihikayat ko ang kooperasyon ng bawat mamamayan at ang kanilang pakikipagtulungan sa kapulisan upang sugpuin ang kriminalidad.”
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng Pasig City Police Station at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.