Nagpasalamat si dating Senate President at business tycoon Manny Villar kay Vice President Sara Duterte dahil sa pagsuporta nito sa kandidatura ng kaniyang anak na si Senator-elect Camille Villar.
"Maraming salamat kay Vice President Sara Duterte sa kanyang suporta sa kandidatura ni Camille na isang malaking dahilan sa kanyang pagkapanalo," saad ni Villar sa isang Facebook post nitong Martes, Mayo 20.
Ayon pa kay Villar, malalim ang pagkakaibigan ng Pamilya Villar at Duterte mula pa noong 1998.
"Malalim ang pagkakaibigan ng pamilya Villar at Duterte na nagsimula pa ng 1998 noong ako ay Speaker at si dating Presidente Digong ay kongresista ng Davao City. Ito ay isang pagkakaibigan na hindi lamang personal kung hindi nakabatay sa aming nagkakaisang pangarap tungo sa pagkakaisa at pag-unlad ng sambayanan," ayon pa sa ama ni Camille.
"Ito ang pangarap na patuloy na ipaglalaban ni Camille bilang senador. Maraming salamat muli, VP Sara!"
Matatandaang inendorso ni Duterte si Camille noong nagdaang eleksyon, kahit na ito ay bahagi ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ni Pangulong Bongbong Marcos.
BASAHIN: Camille Villar, nakipag-fist bump kay VP Sara: 'Walang iwanan'
Ilang araw matapos ang eleksyon, nagpasalamat din si Camille sa bise presidente at sinabing "walang iwanan."
BASAHIN: Mensahe ni Senator-elect Camille Villar kay VP Sara: 'Walang iwanan!'
Nanalo si Camille nang makakuha ng 13,651,274 na boto.