May 20, 2025

Home BALITA Metro

Magpinsang menor de edad, patay sa sunog sa Sta. Mesa

Magpinsang menor de edad, patay sa sunog sa Sta. Mesa
Photo courtesy: Freepik

Patay ang magpinsang menor de edad nang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Sta. Mesa, Manila nitong Lunes ng hapon, Mayo 19.

Hindi pa pinangalanan ang mga biktima na ang mga bangkay ay natagpuan dakong alas-10:14 ng gabi sa ilalim ng mga debris ng nasunog na bahay.

Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-3:42 ng hapon nang magsimulang sumiklab ang sunog sa tahanang pagmamay-ari ng isang alyas 'Nora,' sa Road 12, Phase 1, Brgy 628, sa Sta. Mesa.

Ayon kay Fire SInsp. Cesar Babante, Station 2 Commander ng BFP-Manila, totally burned ang bangkay ng mga biktima, na unang iniulat na nawawala.

Metro

Isko Moreno Domagoso, nanumpa na bilang bagong-halal na alkalde ng Maynila

“Meron po tayo naitala na, dalawang casualty. Ito po ay na retrieve na namin at nadala na po sa punerarya. Beyond recognition na po. Kasi totally burned na po talaga," ani Babante.

Aniya, nahirapan din sila sa pag-apula ng apoy dahil sa malakas na hangin sa kasagsagan ng sunog.  

Umabot ng ikaapat na alarma ang sunog bago naideklarang fire under control dakong alas-6:50 ng gabi at tuluyang naapula dakong alas-3:05 ng madaling araw ng Martes.

Sa pagtaya ng mga awtoridad, nasa 220 pamilya ang apektado ng sunog na tumupok sa nasa 50 kabahayan.

Lumitaw naman sa imbestigasyon na posibleng electrical in nature ang pinagmulan ng sunog, na tumupok sa tinatayang P400,000 halaga ng ari-arian.

Ayon sa mga barangay officials, ang mga nasunugan ay pansamantalang nasa tatlong evacuation centers sa Barangay 628 at 632.

Namahagi naman na ng pagkain, hygiene kits, grocery items at mga damit ang taga-Manila City Government, MSWDO at iba pang volunteers.