May magandang balita sa riders si Sen. JV Ejercito kaugnay sa pagbibigay ng "amnesty" at paglulunsad ng online submission para sa mabilis na proseso nito.
Ayon sa Facebook post ni Ejercito, nakipagpulong daw siya sa mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO) na pinangunahan nina Chief Asec. Atty. Vigor Mendoza at Executive Director Atty. Greg Pua, para ilapit ang mga hinaing at tanong ng mga rider at motorista.
"Para sa mga matagal nang nakabili ng motor pero hindi pa naayos ang papel o Transfer of Ownership, MAGBIBIGAY ANG LTO NG AMNESTY O MAS MAHABANG PALUGIT para maayos ito kahit kulang ang kanilang requirements gaya ng Deed of Sale o ID. Ayon sa ahensya, inaayos na ang guidelines para dito at iaanunsyo ito sa lalong madaling panahon," update ng senador.
"Sa mga kaso na hindi na talaga makontak o patay na ang dating may-ari, pwede nang gumawa at magsumite ang kasalukuyang may-ari ng Affidavit of Ownership. Ito ay isang sinumpaang salaysay na naglalahad kung paano niya na-acquire ang motor, kalakip ang mga patunay ng kanyang pagmamay-ari."
"Ginawa nang online ang submission ng requirements. Pwede nang i-upload ang mga dokumento online, at kapag na-check at na-verify na ang mga ito, saka lamang kailangang pumunta sa opisina para kunin o palitan ang original OR/CR. Layunin nitong pabilisin at pasimplehin ang proseso. Dahil mahalaga ang bawat oras, lalo na para sa mga rider, delivery personnel, at motorcycle taxi drivers, makakatulong ito para maiwasan ang paulit-ulit na pagpunta sa ahensya."
"Pagkatapos ng amnesty period, ibabalik na ang mga karampatang multa at penalty ayon sa batas. Kaya naman, hinihikayat natin ang lahat ng kagulong na samantalahin ang pagkakataong ito para magparehistro."
Nagpasalamat naman ang senador sa LTO dahil sa kanilang pakikinig at pangakong ayusin ang sistema. Nangako naman ang senador na mananatiling nakatutok sa anumang developments para siguruhing tuloy-tuloy ang pag-usad ng mga hakbang na ito.
Samantala, makikita naman sa Facebook posts ng LTO ang naganap na pag-uusap sa pagitan nila at ng senador, na principal author ng Motorcycle Crime Prevention Act.
"LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, and LTO Executive Director Atty. Greg G. Pua Jr. met with Senator JV Ejercito following the recent signing by President Ferdinand R. Marcos Jr. of the amended Motorcycle Crime Prevention Act, which the senator principally authored," anila.
"The meeting aimed to align the agency’s implementation efforts with the updated provisions of the newly enacted law and ensure consistent enforcement across LTO offices."
"Senator Ejercito hopes that with continued teamwork between lawmakers and authorities, the law will help prevent crimes involving motorcycles in a fair and effective way," dagdag pa.