May 20, 2025

Home BALITA National

Pinoy sawa na sa politika, disappointed sa serbisyo ng gobyerno!—PBBM

Pinoy sawa na sa politika, disappointed sa serbisyo ng gobyerno!—PBBM
Photo courtesy: Screenshot from BBM Podcast (FB)

Nagsimula na ang episode 1 ng "BBM Podcast" ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na naka-upload sa social media platforms ng pangulo gayundin sa Presidential Communications Office.

May pamagat ang unang episode na "Pagkatapos ng Halalan" na inupload nang buo, Lunes, Mayo 19.

May nasa 28 minuto ang nabanggit na podcast na inaasahang sasagot sa mga isyung panlipunan, na nagsimula sa resulta ng halalan.

Ang naging host nito ay si broadcast journalist Anthony Taberna, na kamakailan lamang, ay itinampok sa kaniyang vlog ang misis ni PBBM na si First Lady Liza Araneta Marcos.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Diretsahang tanong ni Anthony ay kung ano raw ba ang naging realisasyon niya sa naganap na halalan.

Tugon naman ni PBBM, may dalawa raw siyang konklusyon tungkol sa naging resulta ng botohan.

Una raw ay tila nagsawa na ang mga Pilipino sa politika.

"I have two conclusions dito sa eleksyon. Una, nagsawa na ang Pilipino sa politika. Sawang-sawa na sa politika. Ang mensahe, sa aming lahat, hindi lamang sa akin kundi sa aming lahat, tama na 'yong pamumulitika ninyo, at kami naman ang asikasuhin ninyo. Tama rin naman, iyan naman talaga ang dapat nating ginagawa. Tapos na ang eleksyon, tama na 'yong politika. Magtrabaho na, gawin na natin lahat ng mga kailangang gawin..." paliwanag niya.

Pangalawa naman daw, disappointed ang tao sa serbisyo ng gobyerno.

"'Yong pangalawa, disappointed ang tao sa serbisyo ng gobyerno. Hindi nila nararamdaman at masyadong mabagal ang galaw... ang pagbubuo ng mga project na hindi pa nila maramdaman."

Palagay raw ni PBBM, ang nangyari dito, noong bago raw siyang upo bilang pangulo, ay "business as usual." Iyan daw ang ayaw mangyari ni PBBM dahil wala raw mangyayari sa Pilipinas.

"Sabi ko, kailangan nating baguhin ito. Kaya tiningnan ko 'yong malalaki, mahihirap na proyekto na long term ang magiging effect, iyon ang trabahuhin natin," anang Pangulo.

Ibinida ng Pangulo ang malalaking proyekto na kaniyang pinagtuunan ng pansin gaya ng turismo, kalusugan, at transportasyon subalit talaga nga raw matagal ang usad, kahit na super efficient na ang pamamaraan sa paggawa, kagaya na lamang ng subway.

KAUGNAY NA BALITA: Anthony Taberna, host ng episode 1 ng 'BBM Podcast'