Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na nakatakdang umokupa ng tig-tatatlong pwesto ang tatlong nangunang Party-list mula sa resulta ng eleksyon.
Binanggit ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang naturang kumpirmasyon sa panayam sa kaniya ng Teleradyo Serbisyo nitong Lunes, Mayo 19.
Bunsod nito, makakaupo sa 20th Congress ang lahat ng tatlong nominees mula sa Akbayan na nasa ikaunang pwesto, Duterte Youth na nasa ikalawang pwesto at Tingog na nasa ikatlong puwesto.
Para sa Akbayan Party-list pasok ang kanilang mga partylist nominee na sina Chel Diokno, Percival Cendana at Dadah Kiram Ismula. Sina Drixie Mae Cardema, Berlin Baday lingwa at Godfrey Wagawag Bawalan naman para sa Duterte Youth Party-list. Habang sina Andrew Julian Romualdez, Jude Acidre at Happy Calatrava naman para sa Tingog.
Samantala, tig-dalawang nominee naman ang maaaring umupo sa Kamara mula sa ACT-CIS na nasa ikaapat na pwesto at Ako Bicol na nasa ikalimang pwesto.
Nakatakdang iproklama ang lahat ng 63 party-list representatives ngayong Lunes, Mayo 19 kung saan ang lahat ng mga party-list na nakakuha ng 2% boto ay magkakaroon ng tig-isang pwesto sa Kamara.