Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na tinanong na raw niya ang kapatid na si Davao 1st district Representative Paolo “Pulong” Duterte hinggil sa pag-upo bilang House Speaker.
Sa panayam ng media kay VP Sara noong Sabado, Mayo 17, sinabi niyang wala pa raw siyang kandidatong napipisil para sa pagka-House Speaker at Senate President.
“Sinabihan ko si Congressman Pulong. Sabi ko sa kaniya, ‘Baka gusto mo lumaban ng Speaker?’ Hindi pa siya sumagot. Inisip din n’ya siguro yung chances niya na manalo.” anang Pangalawang Pangulo.
Dagdag pa ni VP Sara, iminungkahi din umano niya kay Rep. Duterte ang posisyon bilang minority leader ng Kamara.
“Sinabi ko sa kaniya, ‘Kung hindi ka manalo ng Speaker, then kunin mo yung minority’… Wala akong candidate for Speaker or for Senate President. Wala din lumapit sa akin for Speaker or for Senate President,” ani VP Sara.
Samantala, kamakailan lang nang igiit ng dalawang Kongresista na solido umano ang tiwala ng Kamara na mananatili pa rin ang liderato ni House Speaker Martin Romualdez sa pagpasok ng 20th Congress.
KAUGNAY NA BALITA: Liderato ng Kamara, posible pa ring pamunuan ni Romualdez—Solon
Iginiit na rin Sen. Imee Marcos na wala pa raw malinaw sa pagbabago naman ng liderato sa Senado bagama’t nauna na ring ibahagi ni Senator-elect Tito Sotto III na nakahanda raw niyang tanggapin muli ang pagiging Senate President.
KAUGNAY NA BALITA: Pagbabago sa liderato ng Senado, hindi pa malinaw—Sen. Imee
KAUGNAY NA BALITA: Tito Sotto, kinumpirmang kinausap ng 3-4 senador ukol sa Senate presidency