Hindi raw naniniwala si incoming Senator Erwin Tulfo na ang pagkakasa ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang dahilan ng pagtagilid ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas noong nakaraang eleksyon.
Sa panayam ng media kay Tulfo matapos ang kanilang proklamasyon noong Sabado, Mayo 17, 2025, ipinaliwanag niyang marami umanong dahilan kung bakit naging mababa ang pagsuporta ng mga taga-Mindanao sa kanilang partido.
“Maraming factors eh. Yung mga away-away politika, yung hindi pagkakasundo-sundo. Kasi kung sasabihin mo lang na impeachment—hindi yun eh. Maraming bagay, problema. Siguro nakita rin ng mga tao yung away ng dalawang grupo,” saad ni Tulfo.
Ginawa niya ring halimbawa ang naging pagkapanalo nina incoming senator Bam Aquino at Kiko Pangilinan na kapuwa pasok sa top 5 ng magic 12 at kung bakit umano sila napsuan ng taumbayan.
“Kaya you see, [nanalo] sina Senator Bam Aquino, Senator Kiko Pangilinan [kahit] sa mga survey wala sila. It is because napagod na yung mga tao sa Mindanao sa away-away ng dalawang grupo [Alyansa, PDP] nagbabanggaan. So may option sila, yung third option na nangyari. So I don’t blame na it’s all about the impeachment lang, maraming factors,” giit niya.
Matatandaang nagsimulang umugong ang umano’y direktang epekto sa Alyansa ng nakabinbing impeachment trial ni VP Sara matapos igiit ng kanilang campaign manager na si Navotas Lone District Rep. Toby Tiangco na siya ang sinisisi ng kanilang partido.
KAUGNAY NA BALITA: Toby, sinisi umano ng Alyansa; nagpakana ng impeachment ni VP Sara, sinisi naman niya