Nagpaliwanag ang natalong mayoral candidate ng City of San Jose Del Monte, Bulacan na si Atty. Earl Tan hinggil sa isyu ng 62-anyos na driver niyang dinakip ng mga pulis ng San Jose Del Monte City Police Station matapos umanong maaktuhang namimigay ng food packs sa mga botante sa araw mismo ng eleksyon noong Lunes, Mayo 12, 2025, na isa umanong akto ng "vote-buying."
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang 5:40 PM nang matanggap ng Police Community Precinct 1 ang impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang sasakyang lumilibot-libot sa Tungkong Mangga Elementary School. Ang nabanggit nasasakyan ay may pangalan at mukha ni Tan.
Kaagad na tumugon ang mga operatiba ng SJDM CPS, kasama ang City Traffic Management Office (CTMO). Pagdating sa lugar, nakita umano nila ang driver na nagbibigay umano ng food packs sa labas ng paaralan.
Agad na nagpaliwanag ang Police Regional Office 3 (PRO3) hinggil sa nabanggit na pag-aresto.
"Lumalabas na kinukuwestyon ang naging aksyon ng inyong pambansang pulisya kung bakit natin siya hinuli noong mismong Araw ng Eleksyon,” saad ni PRO chief Police Brigadier General Jean Fajardo, ayon sa ulat ng GMA News.
"Ito ay lantarang paglabag sa umiiral ng mga batas lalong-lalo sa illegal campaigning. Alam po natin na natapos ang pangangampanya noong May 10. Natapos yan at hindi na nga po pinapayagan," aniya pa.
Nag-viral naman ang video na nagpapakita ng naging paraan ng paghuli ng pulisya sa nabanggit na driver, na ayon kay Tan sa mga netizen, ay tila hindi raw makatarungan.
Dinakip siya dahil sa umano'y paglabag sa Omnibus Election Code, na nagbabawal sa pamimigay ng pagkain, pera, o anumang bagay na maaaring maka-impluwensiya sa pasya ng isang botante.
"LUMABAN KAYO NG PATAS MAY BATAS TAYO AT WAG KAYO ABUSADO. DI KAYO ANG BATAS AT MAY-ARI NG SAN JOSE. SIRA NA CAREER NYO BILANG MGA PULIS DAHIL SISIGURADUHIN KO MAKAKASUHAN AT MATATANGGAL KAYO SA SERBISYO!!" mababasa sa caption ng video post ni Tan.
"Bawal na pala dito sa Lungsod natin mag maneho ng ganitong sasakyan? ano ang electioneering dyan? Nag hahatid ng pagkain at tubig bawal? Lahat ng sasakyan ng city government may name at mukha nyo, poste, pader, etc etc, itong sasakyan ko privately owned ito, huhulihin nyo at poposasan? anong kaso? Kung kaya nyo gawin ito sa driver ko at sasakyan ko, Pano nalang sa mga ordinaryong tao?" dagdag na saad niya sa isang pang Facebook post noong Martes, Mayo 13.
Sa isa pang Facebook post, kung saan kalakip pa ang isang video, "Caught in the act daw ng mga Pulis na VOTE BUYING? e hinarang niyo yun sasakyan wala pa ang pulis, tapos sasabihin niyo caught in the act ng mga pulis na nag vote buying ang driver.. habang nag ddrive namimigay pagkain? AKO PA NA AKUSAHAN NG VOTE BUYING? public knowledge ang vote buying sa SJDM at alam kun sino namimili ng boto…"
Miyerkules, Mayo 14, ibinalita ni Tan na "dismissed" na ang alegasyon ng vote buying laban sa kaniya, at malaya na rin ang driver, subalit papanagutin niya raw ang mga sangkot na officers na humuli sa kaniyang driver. Iginiit din ni Tan na wala siyang nilabag na anumang batas ukol sa naganap na eleksyon.
"JUSTICE ALWAYS PREVAIL "
“THE TRUTH SHALL SET YOU FREE”
"NO VOTE BUYING, NO VIOLATION COMMITTED, CASE IS DISMISSED! NO ONE IS ABOVE THE LAW! TATAY IS FREE! CORRESPONDING CASES WILL BE FILED AGAINST ERRING OFFICERS INVOLVED!" aniya sa kaniyang Facebook post.
Sa isinagawang Facebook live noong Biyernes, Mayo 16, muling ipinagdiinan ni Tan na dismissed na ang kaso laban sa kaniya at sa kaniyang driver kaugnay ng vote-buying allegations, at ipinaliwanag niyang ang food packs na ipinamimigay ng kaniyang driver ay para sa poll watchers at hindi sa mga botante.
Ang unang sinita raw ng mga pulis laban sa kaniya na "alleged violation" ay pagkakaroon ng sasakyan na may mukha at pangalan niya, na minamaneho ng hinuling driver na may food packs.
Ngunit katwiran naman ni Tan, ito raw ay pribadong behikulo niya at hindi naman daw ginagamit sa pangangampanya ng mga sandaling iyon.