Dumipensa si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia patungkol sa mga panawagang magkaroon ng manual recounting sa resulta ng Halalan 2025.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Garcia nitong Linggo, Mayo 18, 2025, tahasan niyang iginiit na wala raw pondo ang Comelec para sa manual recounting.
“Wala po kasi tayong budget para diyan sa mga pagbibilang na ganyan kung talaga bang ‘yan ay pine-prescribe. Bakit? Simula [noong] 2010 na nag-automated election tayo, ay wala po tayong mga ganyang klaseng pagbilang,” anang Comelec chairman.
Dagdag pa niya, “Kung pagbibigyan natin sila, sino po magbibilang? Saan bibilangin? Magkano ang budget? Saan kukuhain ang budget? Anong proseso? Anong procedure ng pagbilang?”
Matatandaang kabilang si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy sa mga nanawagan ng manual recount matapos siyang bigong makapasok sa magic 12.
Depensa pa ng Comelec, naaayon daw sa batas ang automated elections magmula pa noong 2010, ngunit sang-ayon din daw sila na maamyendahan na ito.
“Ako ay nag-aagree kung kakailanganin ng pagbabago o overhaul ng batas. Bakit nga ba hindi? Pero sa kasalukuyan, tali ang kamay ng Comelec. Hindi kami makakakilos nang hindi binabago ang batas sapagkat tagapagpatupad lang kami ng ating mga umiiral na batas,” anang Comelec chairman.
Samantala, noong Mayo 14 naman nang magsimula ang random manual audit (RMA) sa resulta ng eleksyon mual sa tinatayang 700 random clustered precinct sa buong bansa.