May 18, 2025

Home BALITA National

VP Sara sa mababang boto ng Alyansa senatorial bets: ‘It's because of the President!’

VP Sara sa mababang boto ng Alyansa senatorial bets: ‘It's because of the President!’
VP Sara Duterte at Pres. Bongbong Marcos (file photo)

Iginiit ni Vice President Sara Duterte na wala nang ibang dapat sisihin sa mababang bilang na boto ng senatorial candidate ng Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas sa 2025 midterm election kundi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“It's because of the President,” ani Duterte sa panayam ng mga mamamahayag nitong Sabado, Mayo 17, na inulat ng Manila Bulletin.

Ayon kay Duterte, nais umano ng mga Pilipinong tuparin ni Marcos ang kaniyang mga ipinangako noong 2022 national elections at ito raw ang dahilan kaya’t hindi nila sinuportahan ang mga inendorso nitong kandidato sa eleksyong isinagawa noong Lunes, Mayo 12.

“The people find him wanting of his promises, and the people expect more from the President, particularly with regard to his work for our country,” giit ni Duterte.

National

Sen. Imee sa sinabi ni Tiangco: 'Panahon na para ibasura ang impeachment ni VP Sara'

“So, they should not blame anyone else, anything that has happened. It's just the President,” saad pa niya.

Sa 11 senatorial candidates ng Alyansa, anim lamang nakapasok sa magic 12: sina ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na nasa rank 4 at may 17,118,881 boto, dating senador Ping Lacson na nasa rank 7 at may 15,106,111 na boto, dating Senate President Tito Sotto na nasa rank 8 at may 14,832,996 boto, reelectionist senator Pia Cayetano na nasa rank 9 at may 14,573,430 na boto, Las Piñas Rep. Camille Villar na nasa rank 10 at may 13,651,274 na boto, at reelectionist senator Lito Lapid na nasa rank 11 at may 13,394,102 boto.

Matatandaang bukod sa pagiging bahagi ng Alyansa ay inendorso rin si Villar ni Duterte at ng PDP-Laban.

Samantala, kumalas sa Alyansa ang kapatid ni PBBM na si Sen. Imee Marcos at inendorso rin siya ni Duterte. Nasa rank 12 si Sen. Imee at nakakuha ng 13,339,227 boto.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Final senatorial, party-list ranking sa 2025 midterm elections

Kasama sa Alyansa slate ni PBBM na hindi nakapasok sa magic 12 sina reelectionist senator Bong Revilla na nasa rank 14, outgoing Makati City Mayor Abby Binay na nasa rank 15, dating Interior Secretary Benhur Abalos na nasa rank 16, dating senador Manny Pacquiao na nasa rank 18, at reelectionist senator Francis Tolentino na nasa rank 25.