Nagbigay-pahayag si Senador Imee Marcos hinggil sa sinabi ni Alyansa Para sa Bagong Pilipinas campaign Manager Toby Tiangco tungkol sa mga kongresistang pumirma umano ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Matatandaang sa isang panayam kay Tiangco, sinabi niyang kaya napapirma ang mga kongresista sa impeachment laban sa bise presidente ay dahil para sa "conditional release" ng mga budget para sa mga kani-kanilang proyekto.
"Nagsimula ang problema ng administrasyon noong hindi nila sinunod 'yong budget ng pangulo. Pinipilit nilang ilabas yung mga project na for conditional release, inisip-isip ko na noon na ito yung reason para doon sa impeachment eh para mapilitan yung executive branch na ilabas yung budget," saad ng campaign manager.
Dagdag pa nito, sinabi rin niya na naapektuhan ang boto ng Alyansa sa Mindanao dahil sa impeachment ni VP Sara.
BASAHIN: Pagpupumilit sa impeachment ni VP Sara, ikinatalo ng Alyansa sa eleksyon—Tiangco
Sa isang pahayag nitong Sabado, Mayo 17, sinabi ni Sen. Imee na dapat na raw ibasura ang impeachment laban kay VP Sara.
"Base sa mga sinabi ni Cong. Toby, palagay ko panahon na para ibasura ang impeachment, kasi di ba sabi niya nasuhulan o tinakot na maiipit ang budget ng mga congressman kaya nagsipirmahan," anang senadora.
"Kung [may] magwi-witness, pwede ako magsampa ng kaso sa Supreme Courte, para matapos na 'yan," dagdag pa niya.