May 17, 2025

Home BALITA Eleksyon

'Maraming salamat sa tiwala, panahon na para kumilos!'—Sen. Kiko Pangilinan

'Maraming salamat sa tiwala, panahon na para kumilos!'—Sen. Kiko Pangilinan
Photo courtesy: Kiko Pangilinan (FB)

Hindi man nakadalo sa isinagawang proklamasyon sa 12 nagwaging senador sa 2025 National and Local Elections ngayong Sabado, Mayo 17, na ginanap sa Manila Hotel Tent City sa Maynila, ibinahagi naman ni Sen. Kiko Pangilinan ang kaniyang mensahe para sa lahat ng mga bumoto at nagtiwala sa kaniya.

Mababasa sa kaniyang social media post, "With deep humility and immense gratitude, I accept the mandate given to me by the Filipino people."

"Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos sa biyaya ng tagumpay na ito. Sa Kanya ang lahat ng kapurihan."

"Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo, malawakang gutom, at lalong lumalalim na pagkakawatak-watak, pinili ninyo ang landas ng malasakit, pagkakaisa, at konkretong pagkilos."

Eleksyon

‘Di binanggit si PBBM?’ Sen. Imee, pinasalamatan sina FPRRD, VP Sara sa proklamasyon

"Walang puwersang pulitikal na hihigit pa sa taumbayan na tumataya, kumikilos, at naninindigan tungo sa isang layunin. At napatunayan natin muli ito sa ating tagumpay."

"Sa awa ng Diyos at sa lakas ng taumbayan, yung imposible naging posible."

"Ang tagumpay na ito ay hindi tagumpay ng isang tao lamang—ito ay panawagan para maglingkod nang mas matapang, mas taos-puso, at mas bukas ang pandinig."

"Para sa bawat magsasaka at mangingisda, bawat manggagawa, bawat solo parent, bawat inang nagtitipid ng pagkain para sa kanyang mga anak—para sa inyo ang tagumpay na ito. Laban natin ito."

"Panahon na para kilalanin at suportahan nang lubos ang Mindanao—hindi lang bilang food basket ng bansa, kundi bilang mahalagang susi sa ating tagumpay laban sa kagutuman at kahirapan."

"Ang pagkain ay dapat abot-kaya. Ang dignidad ay hindi dapat ipinagmamakaawa. Ang hustisya ay para sa lahat. At ang tunay na pagkakaisa ay nagsisimula sa pakikinig."

"Walang kulay ang gutom. Walang kulay ang solusyon. Walang hinihintay ang awa."

"Bumabalik ako sa Senado, hindi lang dala ang mga pangako kundi ang layunin: magtrabaho, maglingkod, at manindigan para sa bawat Pilipinong nangangarap ng mas maayos at masaganang bukas."

"Maraming salamat sa tiwala. Panahon na para kumilos."

"Para sa pagkain. Para sa pagkakaisa. Para sa Pilipino," aniya pa.

Hindi nakadalo nang personal si Pangilinan sa nabanggit na proklamasyon dahil sumabay ito sa college graduation ng anak nila ni Megastar Sharon Cuneta, na si Kakie Pangilinan, sa US.