Maituturing daw na "big break" para kay Kapamilya actress Karina Bautista ang pagkakaganap niya bilang "Jasmine," ang orphan na suspek sa karumal-dumal na pagpaslang sa "Maguad siblings" na tampok sa muling pagbabalik ng "Maalaala Mo Kaya (MMK)" sa iWantTV.
Ang mag-asawang Maguad na parehong guro ay ginampanan nina Dimples Romana at Joem Bascon habang ang dalawang magkapatid naman na pinatay ng suspek at anak nila ay ginampanan nina Criza Taa at Miguel Vergara.
Sey ng mga netizen, very effective daw ang portrayal ni Karina sa suspek, na hindi raw aakalain ng sinumang makagagawa ng ganoong klaseng kalalang kirimen, kung pagbabasehan ang kaniyang hitsura.
Kaya sabi ng mga netizen, kapag nakikita na nila si Karina ay hindi na nila maiwasang makaramdam ng "takot."
Wish din ng mga netizen na sana raw, mabigyan pa si Karina ng mga ganitong klaseng proyekto, dahil parang bagay naman daw sa kaniya gumanap na "psychotic killer" sa isang serye o pelikula.
Trending nga sa TikTok at iba pang social media platforms ang eksena kung saan makikita ang "face card" ni Karina na nag-shift ang emosyon niya, mula sa pagiging masaya patungo sa selos at inggit dahil hindi siya kasama sa picture-taking ng pamilya, habang sila ay nasa isang pasyalan.
Mabalik sa kaso ng Maguad siblings, noong Disyembre 10, 2021 ay sumambulat ang balita tungkol sa pagpaslang sa magkapatid na sina Crizzle Gwynn, 18, at Crizville Louis, 16, sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Bagontapay, M'lang North Cotabato pasado ng alas dos ng hapon.
Narekober sa crime scene ang duguang damit ng mga suspek sa likod ng bahay at kitchen knife na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay sa magkapatid.
Samantala, nakaligtas naman ang kanilang kasama sa bahay na kinikilala sa pangalan na "Janice," na nakapagtago pa umano sa loob ng silid kung kaya't nakapag-post pa sa kanyang Facebook upang humingi ng tulong.
Dahil si Janice lang ang huling nakasama ng magkapatid at ang tanging nakaligtas, naging isa siya sa mga persons of interest. Dinala siya sa Social Welfare and Development Office sa M'lang, North Cotabato dahil siya ay menor de edad.
Mas tumindi pa ang rebelasyon dahil ayon sa ama ng magkapatid na si Cruz Maguad, umamin daw mismo si Janice na pinatay niya at ng kasabwat niya ang magkapatid dahil sa selos at inggit kay Crizzle Gwynn.
Noong Hunyo 2024 ay ibinalita ni Lovella Maguad na nakamit na nila ang hustiya para sa kanilang mga anak matapos mabilanggo nina Janice at ang kasabwat nitong si Esmeraldo Canedo, Jr.
KAUGNAY NA BALITA: 2 suspek sa pagpatay sa Maguad siblings, kulong ng 22 hanggang 37 taon!