Kinumpirma ni Senator-elect Tito Sotto na kinausap siya ng tatlo o apat na senador hinggil sa pagtakbo bilang Senate President sa 20th Congress.
Sa isang online press conference nitong Biyernes, Mayo 16, tinanong si Sotto kung may kumakausap ba sa kaniya hinggil sa Senate presidency.
“Yes, I would be lying if I said no. May mga kumakausap sa akin,” sagot ni Sotto.
“Kilala n’yo naman ako eh. I'm not the type that would go around na nagpapapirma para suportahan ako. Hindi ako yung ganun eh. Ako'y mana doon sa mga oldies eh, far from the old school. If they have the numbers, they want me to be Senate President, I will accept,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Sotto na sinabi raw sa kaniya ng mga kumausap sa kaniyang senador na handa mga kasamahan ng mga mga itong suportahan siya upang maging susunod na pangulo ng Senado.
“They’re saying that their peers are ready to support me. Sabi ko naman if we have 13 [votes], I will accept,” saad ni Sotto.
Nang tanungin naman kung nagkausap na sila ni incumbent Senate President Chiz Escudero, klinaro ni Sotto na hindi pa sila nagkausap simula noong huling quarter ng 2024, ngunit kakausapin daw niya ito kung matuloy ang pagtakbo niya sa Senate presidency.
Nakapasok si Sotto sa magic 12 ng pagkasenador sa isinagawang 2025 midterm elections noong Lunes, Mayo 12, kung saan nasa ikawalong puwesto siya mtapos makatanggap ng mahigit 14 milyong boto, base sa official tally ng Commission on Elections (Comelec).
Matatandaan namang naging Senate president siya mula 2018 hanggang 2022 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.