Bitbit ng Filipino mountain climber na si Philipp Santiago ang dalawa niyang adbokasiya sa kaniyang pag-akyat sa matayog na Mt. Everest sa Nepal, ngunit sa kasamaang palad, nasawi siya habang inihahanda ang sarili para sana tuluyang marating ang tuktok ng pinakamataas na bundok.
Si Santiago ay isang 45-anyos na nagtatrabaho bilang isang engineer.
Kuwento niya sa isang video sa kaniyang Facebook noong Abril 12, bata pa lamang siya ay pangarap na niyang marating ang tugatog ng Mt. Everest na tinaguriang pinakamataas na bundok sa buong mundo.
“Eversince I was a child, I’ve always have this urge of wanting to see the edge and come back and tell my story about it,” aniya. “Mankind's quest for freedom is eternal. The spirit of adventure is limitless.”
Inilarawan din ni Santiago ang kaniyang sarili bilang isang “regular blue-collar worker.”
“I identify with the average man's daily struggle to put food on the table. We are the underdogs,” saad niya.
“But I made a covenant with God to put deeper meaning to this practice of passion, to be a living testament to the power of faith.”
Bago ang kaniyang pag-akyat sa pinapangarap na bundok, inihayag ni Santiago ang kaniyang dalawang adbokasiya para sa mas maayos na mundo para sa lahat: ang pagkakaroon ng malinis na tubig at ang pagpapagaling sa mga batang may cancer.
“Through Waves for Water Philippines, we aim to give our fair share of providing access to clean drinking water, not only in the Philippines but all over the world,” ani Santiago.
“And the other one… cure children's cancer. Climbing Mount Everest is very little compared to the battles these little warriors are facing every day.
“We aim to give attention and awareness to their plight and for their cause,” saad pa niya.
Ngunit habang nasa Camp 4 ng Mt. Everest at inihahanda ang sarili para marating na ang tuktok ng pinakamataas na bundok, noong Huwebes ng gabi, Mayo 15, binawian ng buhay si Santiago. Hindi pa malinaw ang eksaktong naging dahilan ng kaniyang pagpanaw.
Ayon sa mga ulat, matatagpuan ang Camp 4 sa gilid ng tinatawag na "death zone", isang delikadong bahagi ng bundok na may 26,000 feet kung saan manipis ang oxygen at matinding lamig ang inaasahang mararanasan.
Dahil sa biglaang pagpanaw ni Santiago, na naitalang kauna-unahang pagkamatay ng isang dayuhang climber sa Mt. Everest para sa kasalukuyang climbing season, bumuhos ang mga pagluluksa.
Marami ring nagpaabot sa social media ng kanilang pagmamahal para sa mountain climber, at isa na rito ang pinsan niyang si broadcast journalist Emil Sumangil.
Sa isang Instagram post, inihayag ni Sumangil ang pagdadalamhati ng kanilang pamilya at panawagan ng dasal para sa kanilang yumaong mahal sa buhay.
“Ang aming mga mata, na puno nuon ng saya, nang pakawalan ka namin nuon patungong NEPAL… lumuluha ngayon, at namumugto pa…,” mensahe ni Sumangil kay Santiago.
Hindi man tuluyang narating ni Santiago ang tuktok ng Mt. Everest, para sa kaniyang pamilya at sa lahat ng mga nagmamahal sa kaniya, sapat na ang taas ng kaniyang kabutihan at malasakit para sa ibang tao upang masabing nagkaroon siya ng matagumpay na paglalakbay dito sa mundong ibabaw.