Magsisimula nang matanggap ng mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan ang kanilang midyear bonus simula nitong Huwebes, Mayo 15, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa ilalim ng DBM Budget Circular No. 2017-2, katumbas ang midyear bonus ng mga kwalipikadong goverment employees ng isang buwan nilang basic salary.
Kasama sa mga kawaning maaaring makatanggap ng bonus ang mga civilian personnel, tulad ng mga nasa regular, casual, at contractual positions, appointive man o elective. Kasama rito ang mga nasa hanay ng sangay ng Executive, Legislative, at Judiciary, Constitutional Commissions and Offices; State Universities and Colleges; at Government-Owned o -Controlled Corporations na kabilang sa Compensation and Position Classification System, at maging ang mga uniformed personnel.
Upang maging kwalipikado, kinakailangang nakapag-render ang mga kawani ng hindi bababa sa apat na buwan ng serbisyo, mula noong Hulyo 1 ng nakaraang taon at dapat nasa serbisyo pa rin hanggang nitong Mayo 15, 2025.
Kinakailangan ding nakakuha sila ng hindi bababa sa satisfactory performance rating sa pinakabagong applicable performance evaluation period.
Samantala, makatatanggap naman ang mga part-time government employees ng bonus sa pamamagitan ng isang pro-rata basis, depende sa na-render nilang actual service.
Para naman sa mga empleyado ng mga lokal na pamahalaan, nakasalalay ang paglalabas ng mid-year bonus sa kanilang kinabibilangang sanggunian at kung may pondo para rito, na naaayon sa mga probisyon ng Local Government Code and DBM Circular No. 2017-2.