Hiniling ng senatorial candidate at tinaguriang "Pambansang Kamao" na si Manny Pacquiao sa mga kapwa niya kandidatong nakapasok sa magic 12 na paglingkuran ang bansa nang “tapat, makatao, at makabuluhan.”
“Taos-puso rin ang aking pagbati sa lahat ng nanalo. Nawa’y maging tapat, makatao, at makabuluhan ang inyong paglilingkod para sa ating bayan,” ani Pacquiao sa isang pahayag nitong Huwebes, Mayo 15.
Nagpasalamat din si Pacquiao sa lahat ng mga suporta sa kandidatura niya sa pagkasenador nitong 2025 midterm elections.
“Mula sa aking puso, maraming salamat. Hindi man ako nagtagumpay sa pagtakbo sa Senado, lubos ang aking pasasalamat sa bawat boto, dasal, at suporta,” aniya.
Hindi man pinalad na manalo, sinabi ng dating senador na magpapatuloy raw ang kaniyang pagseserbisyo sa bansa.
“Ang puso ko ay mananatiling nasa bayan. At ang pangarap ko para sa bayan na maiahon ang bawat pamilyang Pilipino ay hindi magbabago,” saad ni Pacquiao.
“Sa lahat ng bumoto at naniwala, salamat sa inyong pagmamahal. Sa lahat ng hindi pumili sa akin, salamat pa rin dahil bahagi rin kayo ng prosesong nagpapalakas sa ating demokrasya.
Tuloy ang laban. Tuloy ang serbisyo.
“Para sa Diyos. Para sa bayan. Para sa bawat Pilipino,” dagdag pa niya.
Base sa partial at unofficial results ng halalan dakong 1:42 ng hapon nitong Huwebes, kung saan 97.37% na ang nabilang, nasa rank 18 si Pacquiao mayroong mahigit 10-milyong boto.
Tumakbo si Pacquiao bilang senador sa ilalim ng slate ni Pangulong Bongbong Marcos na “Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.”