May 15, 2025

Home BALITA National

Kampo ni FPRRD, pinapa-disqualify 2 judge ng ICC

Kampo ni FPRRD, pinapa-disqualify 2 judge ng ICC
Ex-Pres. Rodrigo Duterte (file photo)

Nais ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ma-disqualify ang dalawang judge ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I (PTC I) matapos nilang igiit na nakapagdesisyon na umano ang mga ito sa isyu ng hurisdiksyon sa kaso ng dating pangulo.

Ito ay base sa 11-pahinang dokumento na may petsang Mayo 12, 2025 at naka-address sa “The Presidency,” na inulat ng Manila Bulletin.

Hiniling ng lead counsel ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na tanggalin ang mga hukom na sina María del Socorro Flores Liera at Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou mula sa pagpapasya sa kaso ng hurisdiksyon ni Duterte.

Bilang pangalawang bise presidente ng The Presidency, nais din ni Kaufman na madiskwalipika si Alapini-Gansou sa pagpapasya sa kanilang kahilingan.

National

Harry Roque, ibinahagi mga posibleng senador na ‘kokontra sa impeachment’ ni VP Sara

“The Defence’s request to disqualify the Judges will ensure the autonomy and irreproachability of the judges as well as the efficient conduct of the proceedings by engendering a minimum degree of disturbance to the Chamber’s current composition,” nakasaad sa dokumento.

Iginiit din ng kampo na sa pamamagitan ng pagdiskwalipika sa dalawang judge ay mapangangalagaan umano ang karapatan ni Duterte para sa “walang kinikilingang paghatol.”

Matatandaang parehong miyembro sina Liera at Alapini-Gansou ng nakaraang chamber na nagbigay-daan sa ICC prosecutor na simulan ang imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ng administrasyong Duterte noong 2021 at 2023, kahit hindi na miyembro ang Pilipinas sa Rome Statute.

Samantala, ang naturang hiling ng kampo ni Duterte ay matapos ibasura ng PTC I noong Mayo 6 ang kanilang hiling na huwag nang maging bahagi sina Liera at Alapini-Gansou sa pagpapasya ng kanilang mosyon na nagkukuwestiyon sa hurisdiksyon ng ICC sa kaso ng dating pangulo.

Iginigiit ng kampo ni Duterte na nag-withdraw ang Pilipinas noong Marso 2019 at hindi nagsimula ang paunang imbestigasyon ng ICC hanggang 2021, o dalawang taon pagkatapos magkabisa ang pag-alis ng bansa sa Rome Statute.

Gayunpaman, nagkasundo ang Korte Suprema at ICC na may hurisdiksyon ang international court sa mga krimeng ginawa sa Pilipinas hanggang maging epektibo ang pag-alis ng bansa sa pagiging miyembro nito.

Kasalukuyang nasa hurisdiksyon ng ICC si Duterte sa The Hague, Netherlands matapos niyang arestuhin noong Mayo 11 dahil sa kasong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng naturang giyera kontra droga ng kaniyang administrasyon.

BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD