Pinangalanan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga senador na posible umanong hindi pumabor sa nakabinbing impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz
Sa Facebook live ni Roque noong Miyerkules, Mayo 14, 2025 (araw sa Pilipinas), iginiit niya sa bunsong kapatid ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ligtas na umano si VP Sara sa magiging impeachment trial niya bunsod umano ng bilang ng mga senador na maaaring hindi raw pumabor dito.
KAUGNAY NA BALITA: Bong Duterte, binisita nakatatandang kapatid na si FPRRD sa The Hague
Sabihin n'yo po [kay FPRRD] ligtas na si VP Sara kasi lima ang nanalo na sinuportahan natin. Kasama si Marcos Imee at saka si Villar tapos mayroon pang Robin Padilla pang-anim. Eh kailangan lang n'ya na walo na hindi papabor sa impeachment,” ani Roque.
Dagdag pa niya, “Eh sa walo ang ‘di pwedeng panggalingan niyan yung dalawang magkapatid na Cayetano, yung dalawang magkapatid na Estrada, mayroon pang Joel Villanueva.”
Ayon pa kay Roque, mas may tiyansa na makakuha pa sila ng higit na kinakailangang boto upang mapawalang-bisa ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
“So mayroon na tayong anim at posibleng lima pa. At mayroon pang Mark Villar, anim. So may posible pang anim na hindi papabor doon sa impeachment, bukod doon sa anim na sigurado na. Eh walo lang kailangan natin para mawala na yung impeachment,” anang dating Presidential Spokesperson.