Naniniwala si Senate President Chiz Escudero na makadadagdag sina Akbayan Partylist first nominee Chel Diokno at Mamamayang Liberal (ML) Partylist first nominee Leila de Lima sa abilidad ng House Prosecution Panel na ipresenta ang kanilang kaso kaugnay ng nakahaing reklamo ng pagpapatalsik laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isinagawang “Kapihan sa Senado” nitong Huwebes, Mayo 15, tinanong si Escudero kung malaking bagay ba ang pagpasok nina Diokno at De Lima bilang bahagi ng mga House prosecutor sa pagdinig sa impeachment case ng bise presidente.
Sinabi naman ni Escudero na hindi para sa kaniya na sabihing “magaling o hindi” ang pagpasok ng dalawang magiging kongresista ng 20th Congress, ngunit naniniwala raw siyang makakatulong ang mga ito sa prosekusyon.
“Well, they are both practitioners,” anang Senate president.
“On the part of Chel as a human rights lawyer, and on the part of Senator Leila as an election lawyer, I believe, before she became DOJ secretary.”
“Definitely, they will add to the prosecution's ability to present their case,” saad pa niya.
Matatandaang nitong Miyerkules, Mayo 14, nang ihayag nina Diokno at De Lima na inalukan sila ni House Speaker Martin Romualdez na maging bahagi ng prosekusyon sa impeachment case laban kay Duterte, at kapwa raw sila pumayag dito.
MAKI-BALITA: De Lima, tinanggap alok ni Romualdez dahil sa 'duty at principle'
MAKI-BALITA: Bukod kay De Lima: Diokno, uupong prosecutor sa impeachment ni VP Sara
Nabakante ang dalawang posisyon sa prosecutor's team para sa impeachment laban sa bise presidente matapos mabigo sa eleksyon para sana sa ikalawang termino sina General Santos City Lone District Rep. Loreto Acharon at Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon.
Noong Pebrero 5 nang maiakyat sa Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte matapos itong aprubahan ng House of Representatives sa pamamagitan ng mahigit 215 na pirma ng mga mambabatas.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Listahan ng solons na pumirma sa impeachment laban kay VP Sara
Inaasahang didinggin sa Senado ang naturang impeachment complaint pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo.
Sa isasagawang impeachment trial ng Senado, kinakailangan ng two-thirds na boto, o 16 sa 24 senador, upang tuluyang mapatalsik si Duterte sa puwesto.