Inihayag ng Malacañang na tinatanggap daw ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagpasok ng mga bagong oposisyon sa Senado matapos ang naging resulta ng halalan noong Mayo 12, 2025.
Sa press briefing ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nitong Miyerkules, Mayo 14, binigyang-diin niya ang pagpasok daw ng mga umano’y tunay at pekeng oposisyon sa Senado.
“Ngayon po na naboto na po ang susunod na leaders natin, umaasa ang Pangulo na ang bawat isa, ang lahat sa kanila na binoto ng sambayanan ay tutugon sa pangangailangan ng taumbayan,” ani Castro.
Dagdag pa niya, “Ang trabaho po nila ay para sa bayan, para sa taumbayan, hindi para sa iilang interes, so anumang kulay 'yan, wine-welcome po talaga ng Pangulo na magkaisa ang bawat leaders natin para tugunan kung anuman ang problema at mabigyang solusyon ang pangangailangan ng kababayan natin.”
Paglilinaw pa ni Castro na nakatakda rin daw labanan ng administrasyon ang mga papasok na senador na tatayo lang umano bilang mga pekeng oposisyon.
“Inaasahan din po ng administrasyon ang presensya ng lehitimong oppositionist pero lalabanan po ang mga obstructionist na nagtatago sa pangalan ng oppositionist... mga obstructionist na maaaring pansarili lamang ang kanilang ilalaban,” aniya.
Ipinaliwanag din niya kung ano raw ang pinagkaiba ng mga tunay na oposisyon at sa mga nagpapanggap lamang na maging oposisyon sa Senado.
“Pagka sinabi nating lehitimong oppositionist, ang ipinaglalaban nila ay ang bansa, ang interes ng taumbayan, hindi ang personal na interes. Obstructionist, walang gagawin kung hindi manira, walang makikitang maganda sa ginagawa ng gobyerno at ang sariling interes lamang ang gustong palaguin,” anang PCO Undersecretary.