May apela ang singer, abogado, at kumandidatong senador na si Atty. Jimmy Bondoc sa kabila ng kaniyang pagkatalo sa senatorial race, ayon sa partial and unofficial election result ng Commission on Elections (Comelec).
Batay sa Facebook post ni Bondoc, tinanggap na niya ang kaniyang pagkatalo matapos na hindi makapasok sa top 12, bagama't ipinagpapasalamat niya sa Diyos at taumbayan ang kaniyang mga karanasan sa pangangampanya. Giit niya, hindi raw matatapos sa eleksyon ang "laban."
"Ang eleksyon po ay pansamantalang laban. Ngunit ang tuluyang laban ay ang pagtatanggol sa bayan natin mula sa kasamaan. Hindi biro ang ating kinalalagyan, ngunit dahil sa paligsahan ng eleksyon, sandali tayong nalingat sa totoong kalagayan ng bayan," aniya.
Giit din niya na sana ay matapos na ang mga "bangayan" sa politika at umiral ang pag-ibig.
"Salamat po sa milyon-milyong nagtiwala. Ang dami nating nagawa sa kakaunting pondo at tao. Sana, ito na nga ang kinabukasan ng politika sa Pilipinas," aniya pa.
May tatlong pakiusap naman si Bondoc para kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
"Tatlo pong huling pakiusap. Pauwiin po natin si Digong. At wag na po nating pag-initan si Sara. Hindi lamang ito personal. Para po ito sa bayan. Sana po, maunawaan ninyo. Itigil na natin ito."
"Pangatlo, sana suportahan ninyo ang Aromata. Ito na lang ang natitira kong yaman," aniya pa.
KAUGNAY NA BALITA: Jimmy Bondoc sa pagkatalo: 'Tuluyang laban ay pagtatanggol sa bayan mula sa kasamaan!'