May 14, 2025

Home BALITA Eleksyon

Nanay ni Patrick Meneses 'di sumipot sa Mother's Day celebration, nawawala!

Nanay ni Patrick Meneses 'di sumipot sa Mother's Day celebration, nawawala!
Photo courtesy: Patrick Meneses (FB)

Labis na nag-aalala ang pamilya ni Bulakan, Bulacan mayoral bet Patrick Meneses simula pa noong Linggo ng hapon, Mayo 11, 2025, dahil nawawala ang kaniyang inang si Precy Meneses.

Hindi sumipot sa inihandang surprise celebration ng Mother's Day ang ina ni Patrick na dating karelasyon ng aktres na si Ara Mina, at ama ng anak na si Amanda.

Hindi nakarating ang umano'y convoy na sinasakyan nito sa dinner sana ng mag-anak sa isang restaurant sa Guiguinto, Bulacan. Ayon sa mga ulat, huling naispatan ang convoy North Luzon Expressway (NLEX) sa Bocaue, Bulacan. Hindi naman daw nagpatumpik-tumpik si Meneses at ipina-blotter na ang nangyari sa police station ng Guiguinto.

Habang isinusulat ang artikulong ito, bumuo na raw ng task force si Bulacan Police Provincial Director Colonel Franklin Esttoro para sa imbestigasyon sa sinasabing pagkawala ng ina ni Meneses.

Eleksyon

Luis Manzano natalo, pero 'panalo' pa rin daw dahil sa mga Batangueño

Naglabas naman ng opisyal na pahayag si Meneses noong Mayo 12, kaugnay sa pagkawala ng kaniyang ina.

"Hindi po lingid sa kaalaman ng lahat ang napapabalitang pagkawala ng aming INA na Si Precy Francisco Meneses .," mababasa sa kaniyang Facebook post

"Dahil sa tuluyang pagkawala ng aming komunikasyon sa aming INA, minarapat po naming idaan ito sa legal na proseso. Kung kaya't kami po ay nakipag-uganayan sa mga alagad ng batas upang ipablotter at magpatulong sa kanila upang mabigyang linaw ang insidenteng ito," aniya.

"Kami po ay labis na nag-aalala sapagkat cya ay lumagpas na sa takdang oras na aming pinag-usapan. Kami po ay nakatakdang Kumain ng sabay sabay ngaung gabi upang icelebrate ang Mothers Day."

"Mga Minamahal Kong kababayan, sa pagkakataon pong ito, kami po ay humihingi ng panalangin at suporta para sa kaligtasan ng aming INA."

"Kung ito man po ay bahagi ng maruming pulitika sa ating bayan. Tayo po ay patuloy na MANINDIGAN. TULOY PO ANG ATING LABAN!" aniya pa.

Pagdating naman sa resulta ng botohan, hindi pinalad na manalo si Meneses at nagpahayag na rin ng kaniyang pag-concede.

"Lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng sumama sa labang ito. Nakita at nadama ko ang sigasig nating mga Bulakenyo na maging malaya sa maraming bagay. Sa labang nagdaan nasaksiha ko rin po ang totoong pag-mamahal niyo sa ating dakilang bayan. Binuksan niyo ang inyong puso't isipan. Dama ko ang suportang ibinigay ninyo bilang isang tunay na Bulakenyong may paninindigan," aniya sa kaniyang Facebook post.

"Muli maraming maraming salamat po sa tiwala. Hindi po kami magsasawang Tindigan kayo."

"Sasamahan ko po kayong tawirin ang kabanatang ito patungo sa minimithi nating tunay na progreso, sa takdang panahon.

Congratulations po sa lahat ng mga nanalo."

"PATuloy po tayong Maglingkod sa ating poong maykapal, at sa ating dakilang Bayan ng Bulakan," aniya pa.

Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang update ang kampo ni Meneses patungkol sa kanilang nawawalang ina.