Nakiusap ang EcoWaste Coalition sa mga kumandidato noong nakaraang eleksyon hinggil sa pagbabaklas na raw ng kani-kanilang campaign materials.
Batay sa pahayag na inilathala ng komisyon noong Martes, Mayo 13, 2025, iginiit nilang hindi raw dapat nawawala ang mga kumandidato pagkatapos ng eleksyon dahil sa mga kalat na kanilang iniwan dulot ng campaign materials.
“This isn’t just about picking up trash. It is about setting the tone for responsible leadership… Candidates should not disappear after election day,” anang komisyon.
Dagdag pa nila, matagal na raw na nauulit ang problema sa bilang ng mga basurang iniiwan ng mga kumandidato pagkatapos ng eleksyon.
“The mess they leave behind speaks volumes, and the least they can do is clean it up. This is a recurring problem every election season, revealing how candidates often neglect the environmental impact of their campaigns,” saad ng EcoWaste Coalition.
Samantala, ayon naman sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tinatayang nasa 6.1 tonelada ng mga basura ang kanilang nakolekta sa kasagsagan ng eleksyon noong Lunes, Mayo 12.
Kaugnay nito, ilang local government units (LGUs) na rin ang nagsagawa ng malawakang pagbabaklas ng campaign materials sa kanilang lugar, sa pangunguna na rin ng Task Force Baklas ng Commission on Elections (Comelec).