Nagpahayag ng pasasalamat si Las Piñas City Lone District Representative at senatorial candidate Camille Villar sa lahat ng mga bumoto sa kaniya matapos mapabilang sa top 12 ng partial and unofficial tally result ng senatorial race.
Batay sa huling tally ay nasa pansampu si Villar, na sinundan naman ng mga re-electionist na sina Sen. Lito Lapid at Sen. Imee Marcos.
Mababasa sa kaniyang Facebook post, Miyerkules, Mayo 14, ang isang art card kung saan mababasa ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng mga nagtiwala sa kaniya.
"MARAMING SALAMAT PO," aniya.
"Alam kong hindi naging madali ang daan, pero dahil sa tiwala ninyo, nagtagumpay tayo."
"Dala ko ngayon ang panibagong boses ninyo sa Senado at handa na pong maglingkod, tahimik man o maingay ang laban, para sa bawat Pilipino. Walang iwanan!" aniya pa.
Saad ng Commission on Elections (Comelec), posibleng sa weekend pa ang opisyal na proklamasyon para sa mga senador na nakapasok sa top 12.