Naglabas ng pahayag ang Akbayan party-list tungkol sa pagtanggap ng kanilng first nominee na si Atty. Chel Diokno na maging bahagi ng House Prosecution Panel para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang Akbayan party-list ay nangungunang partido batay sa partial and unofficial election result ng Commission on Elections (Comelec) sa naganap na 2025 National and Local Elections.
Sa media release ng Akbayan, sinabi nilang malugod na tinatanggap ni incoming congressman Diokno ang alok na pagiging miyembro ng House Prosecution Panel, bilang principal endorser ng unang impeachment complaint laban sa Pangalawang Pangulo.
"Akbayan Party has been invited by the House of Representatives to be part of the House prosecution team in the upcoming impeachment trial of Vice President Sara Duterte, once the Senate convenes as an impeachment court," mababasa sa kanilang media release.
"As the principal endorser of the first impeachment complaint and after thorough party deliberations, we extend our full support to this historic process of accountability."
"Incoming Akbayan Representative Atty. Chel Diokno will join the House prosecution panel."
"Buong tapang na tinatanggap ng Akbayan ang bagong kabanata ng laban para sa katarungan at pananagutan," anila pa.
Makakasama ni Diokno ang isa pang incoming congresswoman na si Atty. Leila De Lima, na first nominee naman ng ML o Mamamayang Liberal party-list.
Nabakante ang dalawang posisyon sa prosecutor's team para sa impeachment dahil hindi nagtagumpay sa ikalawang termino sina General Santos City Lone District Rep. Loreto Acharon at Ako Bicol party-list Rep. Jil Bongalon.