Nanalo si reelectionist Pasig City Mayor Vico Sotto sa ikatlong termino bilang akalde ng nasabing lungsod laban sa negosyante niyang katunggaling si Sarah Discaya.
Nakakuha si Sotto ng 351,392 boto mula sa mga Pasigueño habang si Discaya naman ay 29,591 lang.
Ang running mate ni Sotto na si Vice Mayor Dodot Jaworski ay nakalikom ng 290,237 na boto, na ikinalaglag ng kalaban nitong si Iyo-Carucho Bernardo.
Mananatili naman sa kaniyang puwesto sa Kongreso si Rep. Roman Romulo matapos makakuha ng 348,939 na boto.
Samantala, ang mga konsehal ni Sotto sa ilalim ng Giting Ng Pasig ay tagumpay ding naihalal sa kani-kanilang posisyon.
Nanguna sa unang distrito ang reelectionist na si Simon Romulo Tantoco na may 105,593 boto, at si Angelu de Leon ng ikalawang distrito na nakakuha ng 174,041 boto.
Nagpasalamat si Sotto sa tiwala at suporta ng kaniyang mga nasasakupan at tiniyak niyang ipagpapatuloy ang nasimulan nilang pagbabago at reporma sa Pasig.