Tinanggap ng dating senador at tumakbong Caloocan City mayor na si Antonio "Sonny" Trillanes IV ang pagkatalo niya kay incumbent Caloocan City Mayor Dale "Along" Malapitan, na naproklama na nitong Martes, Marso 13.
"Maraming salamat po sa ating mga kaibigan, supporters at volunteers na nakasama namin sa laban para sa pagbabago ng Caloocan," pasasalamat ni Trillanes na mababasa sa kaniyang Facebook post.
"Nangampanya tayo ng patas, nagpresenta ng magandang plano at hindi tayo namili ng boto. Marami tayong namulat at ginanahang muli maghangad ng pagbabago."
Pahayag pa ni Trillanes, "Subalit hindi pa rin natin kinaya ang pwersa ng pera ng kalaban na pagsasamantalahan ang kahirapan ng ating mga kababayan para lang manatili sa pwesto."
"Ganun pa man, makakaasa kayo na hindi natin bibitawan ang mahal nating Caloocan. Muli, maraming salamat sa inyong lahat," aniya pa.
Samantala, si Malapitan naman ay nag-post ng mensahe para sa mga "Batang Kankaloo" na bumoto sa kaniya.
"Buong puso po akong nagpapasalamat sa aking mga kapwa Batang Kankaloo sa inyong tiwala at pagmamahal na muli ninyong ipinakita ngayong halalan," aniya sa kaniyang Facebook post.
"Asahan nyo po na patuloy ko itong susuklian ng ibayong malasakit at tapat na paglilingkod upang mas maiparamdam sa inyo na ang inyong lingkod ay para sa kanyang mga kapwa Batang Kankaloo," dagdag pa.