May 14, 2025

Home BALITA Eleksyon

Stella Quimbo sa pagkatalo sa mayoral race ng Marikina: 'Aaminin ko, masakit'

Stella Quimbo sa pagkatalo sa mayoral race ng Marikina: 'Aaminin ko, masakit'
Courtesy: Stella Quimbo/FB

Inamin ni incumbent Marikina City 2nd district Rep. Stella Quimbo na nasaktan siya nang matalo sa pagka-alkalde ng lungsod nitong 2025 midterm elections, ngunit tinatanggap daw niya ang desisyon ng taumbayan.

Sa isang Facebook post nitong Martes, Mayo 13, sinabi ni Quimbo na hindi ang naturang resulta ng eleksyon nitong Lunes, Mayo 12, ang kaniyang inasahan.

“Ang tinig ng taumbayan ang siyang nangingibabaw. Hindi ito ang resulta na inaasahan natin at aaminin ko, masakit. Pero buong kababaang-loob naming tinatanggap ang pasya ng taumbayan kalakip ang buong paggalang sa ating democratic process,” ani Quimbo.

Nagpasalamat naman ang dating mambabatas sa lahat ng mga sumuporta sa kaniya, mula sa panahon ng kampanya hanggang sa araw ng eleksyon.

Eleksyon

Bagong halal na mayor ng Rizal, Cagayan 21-anyos pa lang; vice mayor, nanay niya

“Ang kampanyang ito ay hindi lang laban ng isang kandidato, kundi laban para sa isang klase ng pamumuno na may puso, sipag, at paninindigan. Sa bawat nagbahay-bahay, nag-share, tumindig, at nagdasal, kayo ang puso ng laban na ito,” ani Quimbo.

“Pinatakbo natin ang kampanyang ito nang may katotohanan, integridad, at pagmamahal sa Marikina. At kahit hindi ito ang inaasam nating resulta, ang ating pinagsamahan, ang pag-asa, ang mga kwentuhan, ang kilusan para sa tunay na solusyon, ay hindi mawawala o masasayang.”

Bagama’t hindi naluklok sa puwesto ng pagkaalkalde ng Marikina, sinabi ni Quimbo na magpapatuloy raw siya sa pagseserbisyo at hindi raw sa halalan natatapos ang kaniyang laban.

“Hindi dito nagtatapos ang lahat. Ang malasakit ay hindi natatapos sa halalan. Magpapatuloy ang laban para sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan, trabaho, edukasyon, at pamahalaan, anumang posisyon o kakayahan ang ibigay sa atin upang maglingkod,” saad ni Quimbo.

“Marikina, maraming salamat. At hanggang sa muli. Hindi dito natatapos ang laban,” dagdag pa niya.

Natalo si Quimbo ni Marikina 1st district Rep. Marjorie Ann Teodoro, na asawa ni outgoing Marikina Mayor Marcy Teodoro.