May 13, 2025

Home BALITA Eleksyon

Sen. Risa, masaya sa nagiging resulta ng eleksyon: 'Lumalakas na ang totoong oposisyon!'

Sen. Risa, masaya sa nagiging resulta ng eleksyon: 'Lumalakas na ang totoong oposisyon!'
Courtesy: Sen. Risa Hontiveros/FB

“Hindi ito simpleng ‘comeback’...”

Ikinalugod ni Senador Risa Hontiveros ang tinatakbo ng resulta ng 2025 midterm elections kung saan pasok sa magic 12 ang mga kaalyado niyang sina dating Senador Bam Aquino at Kiko Pangilinan, at ang pagkakaroon ng puwesto sa Kongreso nina Akbayan Partylist first nominee Chel Diokno at Mamamayang Liberal (ML) Partylist first nominee Leila de Lima.

“Lumalakas na ang totoong oposisyon sa Senado at Kongreso!” ani Hontiveros sa isang Facebook post nitong Martes, Mayo 13.

“Hindi ito simpleng ‘comeback’. Pinapatunayan lamang ng halalang ito na hangad pa rin ng masang Pilipino ang pamahalaang may puso, may prinsipyo, at may tapang manindigan,” dagdag niya.

Eleksyon

Resulta ng halalan, igalang—Obispo

Tinawag ng senadora ang pangunguna ng kinabibilangan niyang Akbayan sa party-list race bilang “makasaysayang tagumpay” at “bunga ng tiwala at pagkilos ng taumbayan.”

Base sa partial at unofficial result ng eleksyon dakong 10:01 ng umaga nitong Martes, kung saan 80.51% votes na ang naipasok, rank 1 ang Akbayan na nakatanggap ng 6.54% o mahigit 2-milyong boto.

“Once more, the Filipino people have brought Akbayan to the top of a very hard fought partylist race,” saad ni Hontiveros.

“Buong puso akong nagpapasalamat sa solid supporters ng Akbayan at Atty. Chel Diokno sa pananatili at pagbitbit sa ating partido sa bawat sulok ng bansa. Sa mga bagong mukha na tumaya sa ating pagkilos, salamat sa pagkakataong inyong ibinigay. At special shoutout sa ating kabataang botante na  nagsilbing game-changer sa eleksyong ito,” dagdag niya.

Binati rin ng senadora sa mga kaibigan niyang sina Aquino at Pangilinan, na sa ngayo’y nasa rank 2 na may mahigit 16 milyong boto at rank 5 na may mahigit 12 milyong boto, ayon sa pagkakabanggit.

“Kayo ang mga boses na kailangang-kailangan natin sa Senado sa mga darating na araw. I look forward to once again working with you both for the good of the people,” mensahe ni Hontiveros sa dalawang dating senador.

Samantala, ipinaabot ni Hontiveros ang kaniyang pagkatuwa dahil makakasama raw ng Kabayan sa susunod na Kongreso ang ML Partylist sa panguluna ni De Lima.

Aniya, magkasamang isusulong ng Akbayan at ML ang “hustisya, karapatang pantao at malinis na gobyerno.”

“Simple at malinaw ang sigaw ng taumbayan: Itaas ang sahod. Ibaba ang presyo ng bilihin. Gawing abot-kamay ang edukasyon. At tiyaking may pananagutan ang nasa kapangyarihan.

“Kasama sina Senator Kiko at Senator Bam sa Senado, at ang Akbayan Partylist at Mamamayang Liberal Partylist sa Kongreso, titindig tayong muli nang mas taas-noo, mas matatag, at mas handa sa hamon ng panahon,” ani Hontiveros.

“At sa milyon-milyong bagong kasama natin sa laban: Maligayang pagdating. Kaya natin ito,” saad pa niya.