Tinanggap na ng negosyante at kumandidatong mayor ng Maynila na si Sam "SV" Verzosa ang kaniyang pagkatalo, na tumutukoy kay "Yorme" Isko Moreno Domagoso.
Aniya sa kaniyang Facebook post, "Ngayong gabi, buong puso kong tinatanggap ang desisyon ng taumbayan. Bagamat hindi nangyari ang hinahangad nating resulta, ako po ay taus-pusong nagpapasalamat sa bawat isa sa inyo na naniwala, sumuporta, at lumaban para sa Pagbabago."
"Hindi po biro ang laban na ating hinarap. Bilang isang baguhan sa pulitika ng Maynila, alam kong ito ay magiging isang matinding hamon. Ngunit sa bawat kaway, yakap, halik at tapik ninyo sa balikat ko sa kalsada, naramdaman ko ang Pagmamahal nyo at tunay na diwa ng serbisyo at malasakit."
"Sa lahat ng volunteers, staff, sa bawat kabataan, nanay, tatay, at Lolo at Lola ko na tumindig para sa pagbabago—maraming salamat po. Ang ating kampanya ay hindi lang tungkol sa pagkapanalo, kundi sa pagbibigay ng tinig sa mga matagal nang hindi naririnig."
Pagbati pa sa nanalong kandidato, "Nais ko pong batiin ang nanalong kandidato. Hiling ko na ang kanyang tagumpay ay tagumpay rin ng buong lungsod. Manila deserves nothing less than honest, transparent, and compassionate leadership."
"Hindi po rito nagtatapos ang ating adbokasiya. Ang pangarap natin para sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, at isang gobyernong bukas at tapat ay mananatili sa puso ko. Magpapatuloy po ako sa pagseserbisyo sa ating bayan sa abot ng aking makakaya, sa aking mga proyekto, at sa araw-araw na buhay."
"Lahat po ito ay parte ng proseso, Ito ay simula ng isang mas malawak na pakikibaka para sa mas makatarungan at makataong Maynila," aniya pa.
Samantala, naghihintay naman si Domagoso na maproklama na.