May 13, 2025

Home BALITA Eleksyon

Mayor Leni sa ‘Pink Movement’: ‘Masaya akong ‘di nawalan ng pag-asa yung mga tao’

Mayor Leni sa ‘Pink Movement’: ‘Masaya akong ‘di nawalan ng pag-asa yung mga tao’
Courtesy: Dating Vice President Leni Robredo/FB

Masaya si dating Vice President at ngayo’y naiproklamang Naga City Mayor Leni Robredo na hindi nawalan ng pag-asa ang kanilang mga tagasuporta at ipinagpatuloy ang “pink movement” ngayong 2025 midterm elections, sa kabila raw ng nangyaring pagkatalo noong 2022 elections.

Sinabi ito ni Robredo matapos lumabas ang partial at unofficial ng senatorial race dakong 9:02 ng umaga nitong Martes, Mayo 13, kung saan nasa rank 2 ang kaalyado niyang si dating Senador Bam Aquino na mayroon nang mahigit 16 milyong boto, habang nasa rank 5 si dating Senador Kiko Pangilinan na may 12 milyong boto.

Kasalukuyang nangunguna rin sa party-list race ang sinusuportahan ni Robredo na Akbayan Party-list na may mahigit 2 milyong boto, habang siguradong may isang puwesto na rin para sa Kongreso ang Mamamayang Liberal Party-list na may mahigit 400,000 boto.

Si Atty. Chel Diokno ang first nominee ng Akbayan habang si dating Senador Leila de Lima naman ang first nominee ng ML Party-list, na parehong kaibigan din ng dating bise presidente.

Eleksyon

Resulta ng halalan, igalang—Obispo

Kaugnay ng naturang mga pagkapanalo ng mga kaalyado ni Robredo, tinanong siya sa isang panayam ng GMA News kung ano ang masasabi niyang tila patuloy pa rin umano ang “pink movement” na nasimulan nang tumakbo siya bilang pangulo ng bansa noong 2022 elections.

“Masaya lang ako na hindi nawala ng pag-asa yung mga tao after the defeat noong 2022,” ani Robredo.

“Ang gusto kong sabihin na kahit ganoon yung results ng 2022, yung pag-asa nasa puso pa din ng base. Handang-handa pa ring lumaban at tumulong. And yung wish natin na sana in the coming years ganun pa din. Malaking bagay din na patuloy na lumalaban,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Robredo na pagtutuunan niya sa ngayon ang kaniyang trabaho bilang bagong naihalal na alkalde ng Naga City, ngunit patuloy pa rin daw siyang tutulong sa national level kung kinakailangan.

“I will be giving more attention dito sa local pero hindi ko naman pinabayaan yung role ko sa national. Siguro mas backseat lang, mas tumutulong from the sidelines. Pero nandiyan na si Senator Bam, Senator Kiko, nandiyan Senator Risa (Hontiveros). At si Dean Chel Diokno at Sen. Leila de Lima magiging member na rin ng Congress,” ani Robredo.

“So marami na tayong allies na alam nating ipaglalaban yung matagal na nating ipinaglaban,” saad pa niya.

KAUGNAY NA BALITA: Ex-VP Leni Robredo, kauna-unang babaeng alkalde ng Naga