Nagpasalamat si labor-leader Atty. Luke Espiritu sa mahigit 6-milyong bumoto sa kaniya nitong 2025 midterm elections, na halos nadoble raw kumpara sa natanggap niyang boto noong 2022 elections.
Sinabi ito ni Espiritu sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Martes, Mayo 13, matapos lumabas sa partial at unofficial results ng isinagawang eleksyon nitong Lunes, Mayo 12, na mahigit 6.4-milyong boto ang natanggap niya sa senatorial race.
“Maraming salamat sa lahat nang sumuporta at nagkampanya: mula sa Team Luke, volunteers, PLM at kaanib na orgs., kabataan hanggang sa pamilya. Mula 3M+ noong 2022 naging 6M+ nitong 2025, halos doble,” ani Espiritu.
Base sa partial at unofficial results ng 2025 midterm elections dakong 1:57 na hapon, kung saan 97.23% na ang nabilang, nasa rank 29 si Espiritu sa listahan ng mga kandidato sa pagkasenador, at mayroong 6,401,166 na boto.
Iginiit din ng senatorial candidate na isang lumalakas na puwersa laban sa political dynasty raw ang dumarami niyang tagasuporta sa politika.
“Di matatawaran ang pwersang ito kontra dinastiya. Dapat manginig na sila. Tuloy ang laban!” saad ni Espiritu.
Matatandaang unang tumakbo si Espiritu bilang senador ng bansa noong 2022 national elections, sa ilalim ng kandidatura ng noo’y presidential candidate na si labor-leader Ka Leody de Guzman.