Nagpasalamat ang Makabayan senatorial candidate at magsasakang si Danilo “Ka Daning” Ramos sa mahigit 4-milyong bumoto sa kaniya sa 2025 midterm elections, at ipinangakong patuloy silang lalaban para sa mga magbubukid at sambayanang Pilipino.
Sa isang video message nitong Martes, Mayo 13, ipinaabot ni Ramos ang kaniyang pagkatuwa sa latest unofficial results kung saan bagama’t hindi siya nakapasok sa magic 12, nakatanggap siya ng mahigit 4-milyong boto at nasa rank 35.
“Mga kababayan, maraming salamat sa inyong suporta sa iba't ibang kaparaanan, ang inyong tulong para sa kampanyang elektoral. Milyun-milyon ang bumoto sa akin sa akin at sa Koalisyong Makabayan,” ani Ramos.
Siniguro rin ng tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na patuloy siyang kikilos para sa kapakanan ng masa at bawat Pilipino.
“Umasa po kayo na matapos ang eleksyon, patuloy ako at ang aking mga kasamahan na isusulong ang interes at kagalingan ng magbubukid at sambayanang Pilipino,” saad ni Ramos.
“Sama-sama po nating ipaglaban at isulong ang tunay na reporma sa lupa—lupa para sa nagbubungkal, hindi sa dayunan—palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain, at ang karapatang pantao.
“Tuloy-tuloy po tayong kumilos, magpunyagi, sumulong, at magtagumpay,” dagdag niya.
Sa caption ng kaniyang Facebook post ay hinikayat din ni Ramos ang kaniyang mga tagasuportang huwag panghinaan ng loob dahil, aniya: “Tuloy-tuloy ang laban natin hanggang sa maabot ang ating mga pinaglalaban!”
“Ipagpatuloy natin ang pakikibaka ng mga magsasaka at ng sambayanang Pilipino para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang soberanya,” saad ni Ramos.