Tinanggap na ng kasalukuyang mayor ng Maynila na si Dr. Honey Lacuna ang kaniyang pagkatalo laban sa nagbabalik na si Isko Moreno Domagoso.
Sa partial at unofficial tally as of 3:54 p.m. nitong Martes, Mayo 13, nangunguna si Domagoso na may botong 527,600 habang nasa 190,087 naman ang nakuhang boto ni Lacuna.
Sa isang video message, sinabi ni Lacuna na tinatanggap niya ang resulta ng 2025 local elections.
"Buong kababaang-loob nating tinatanggap ang kapasyahan ng higit na nakararami sa atin. Maraming salamat sa pagbibigay ninyo ng pagkakataon na ako'y maging kauna-unahang babaeng punong lungsod sa kasaysayan ng Maynila," saad ni Lacuna.
"Buong pagpapakumbaba kong ipinagkakapuri ang malaking karangalan na ipinagkaloob ninyo sa akin. Mula noon at magpakahanggang ngayon, taas-noo nating iniaalay ang tapat at totoong serbisyo sa mamamayang Manilenyo. Habang buhay kong handog sa inyo ang pagmamahal ng isang ina at kalinga ng isang doktora," dagdag pa niya.
Nagpasalamat din ang alkalde sa lahat ng sumuporta sa kaniya.