Si dating Vice President Atty. Leni Robredo ang kauna-unahang babaeng naiproklamang alkalde ng Naga City sa Camarines Sur matapos niyang makatanggap ng tinatayang mahigit 84,000 o tinatayang 91.6% na boto sa eleksyon.
Sa isang Facebook post nitong Martes, Mayo 13, nagpasalamat si Robredo sa mga Nagueños dahil sa malaking suportang natanggap niya sa isinagawang 2025 midterm elections nitong Lunes, Mayo 12.
“Thank you very much, my fellow Nagueños, for the overwhelming support -84,259 votes equivalent to 91.6% of those who voted. Thank you also for your support to An Bagong Team Naga!!” saad ni Robredo.
Nagpasalamat din ang dating bise presidente dahil nanguna sa partial at unofficial results sa Naga ang kaniyang mga kaalyadong sina dating Senador Bam Aquino at dating Senador Kiko Pangilinan sa senatorial race, habang nanalo rin ang Mamamayang Liberal (ML) Party-list, kung saan si dating Senador Leila de Lima ang first nominee.
“We are still in euphoric disbelief of Bam and Kiko’s come-from-behind win. All our sacrifices and gambles paid off!!! Thank you to the Filipino people Buhay na buhay ang pag-asa,” saad ni Robredo.
Matatandaang si Pangilinan ang naging runningmate ni Robredo nang tumakbo siya bilang pangulo ng bansa noong 2022 elections, habang si Aquino naman ang kaniyang naging campaign manager.
Samantala, base sa partial at unofficial results ng senatorial race dakong 9:02 ng umaga nitong Martes, kung saan 80.44% na ang naipasok, nasa rank 2 si Aquino na mayroon nang mahigit 16 milyong boto, habang rank 5 si Pangilinan na may 12 milyong boto.
Inaasahan namang makakakuha ang ML Partylist ng isang puwesto sa House of Representatives dahil sa nakuha na nitong mahigit 400,000 na boto.