May 13, 2025

Home BALITA Eleksyon

Dan Fernandez nag-concede, tinanggap pagkatalo kay Sol Aragones

Dan Fernandez nag-concede, tinanggap pagkatalo kay Sol Aragones
Photo courtesy: Dan Fernandez, Sol Aragones (FB)

Tinanggap na ni Laguna Rep. Dan Fernandez ang kaniyang pagkatalo sa kalabang si dating ABS-CBN news reporter Sol Aragones sa kanilang labanan sa pagkagobernador ng Laguna.

Sa kaniyang Facebook post noong Lunes ng gabi, Mayo 12, agad na nagpahayag ng kaniyang taos-pusong pagtanggap ng pagkatalo si Fernandez, at pasasalamat naman sa mga nagpakita ng suporta sa kaniya.

Naka-tag naman sa kaniyang Facebook post si Aragones.

"Sa lahat ng mga nagtiwala, sumuporta, at patuloy na naninindigan kasama ko, taos-puso akong nagpapasalamat. Hindi man natin nakamit ang tagumpay sa eleksyon na ito, mananatiling buo ang aking paninindigan at pagmamahal para sa ating lalawigan," aniya.

Eleksyon

Vic Rodriguez, patuloy tututulan ang korupsiyon kahit natalo

"Hindi rito nagtatapos ang ating layunin. Patuloy ninyong maaasahan ang aking suporta para sa mga nagwagi at sa magwawagi pa para sa kapakanan ng buong Laguna. Sa anumang paraan na kaya ko, mananatili akong lingkod-bayan, hindi man sa puwesto, kundi sa puso, kilos, at paninindigan."

Pagbati pa niya kay Aragones, "Ipinapaabot ko rin ang aking pagbati kay Gov. Sol Aragones sa kanyang pagkakapanalo. Nawa’y maging matagumpay ang kanyang pamumuno at magsilbing daan tungo sa mas maunlad at mas pagkakaisang Laguna."

"Muli, maraming salamat, mga kababayan kong Lagunense," aniya pa.