Ipinaabot ni reelectionist Senator Bong Go ang kaniyang pasasalamat sa Diyos at sa mga Pilipino matapos niyang maging rank 1 sa partial at unofficial results ng isinagawang 2025 midterm elections nitong Lunes, Mayo 12.
Base sa unofficial results ng eleksyon sa pagkasenador dakong 1:57 na hapon nitong Martes, Mayo 13, kung saan 97.23% na ang nabilang, nangunguna si Go na mayroon nang mahigit 26-milyong boto.
“Truly, God is good. God is fair,” reaksyon ni Go sa naturang resulta sa pamamagitan ng isang Facebook post nitong Martes.
“Maraming salamat sa Panginoon sa buhay at gabay, at sa buong sambayanang Pilipino sa tiwala at suporta sa isang simpleng probinsyanong binigyan ninyo ng pagkakataong magsilbi sa bayan,” dagdag niya.
Nangako naman ang senador na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng kapakanan ng mga Pilipino, lalo na raw pagdating sa “kalusugan, pagkain, mas maayos na trabaho at hanapbuhay, at edukasyon.”
“Inaasahan kong maging katuwang kayo sa layunin natin na lalo pang ilapit ang mga serbisyo at programa ng gobyerno, lalo na sa mga mahihirap nating kababayan at mga walang ibang malalapitan kundi ang pamahalaan,” ani Go.
“Ipagpatuloy natin ang ating bisyo na magserbisyo!” saad pa niya