Dismayadong ibinahagi ni Makabayan senatorial candidate Amirah Lidasan na hindi siya nakaboto dahil nawawala raw ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga botante sa kinabibilangan niyang presinto sa Matanog, Maguindanao nitong Lunes, Mayo 12.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lidasan na nakarehistro siya bilang botante sa Matanog Central Elementary School sa Barangay Bugasan Norte, Matanog, Maguindanao.
Ang naturang presinto raw ang kaparehong lugar kung saan matagumpay siyang nakaboto noong 2022 elections.
Samantala, nang dumating si Lidasan sa kinabibilangang polling precinct, laking gulat niya nang wala na umano ang kaniyang pangalan sa listahan, dahilan kaya’t hindi siya nakaboto.
"Nakakabahala itong pangyayari sa lugar namin. Dapat ay makapagpaliwanag agad ang COMELEC (Commission on Elections),” saad ni Lidasan.
“Ang boto ko at bawat boto ng mamamayang Pilipino ay dapat na protektado at pinahahalagahan," dagdag pa niya.
Iniimbestigahan na ng Koalisyong Makabayan ang nangyari, lalo na’t may ilang mga residente rin umano sa lugar ang naiulat na hindi nakaboto dahil sa parehong kadahilanan.
Habang sinusulat ito’y wala pa namang pahayag ang Comelec hinggil dito.