Usap-usapan ang pang-aasar ng senatorial candidate na si Leody De Guzman o "Ka Leody" matapos mag-post ng tila tirada kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na tinawag niyang "Tatay Digong."
Ayon sa Facebook post ng kandidato, marami raw ang naghanap na botante sa kanilang mga presinto, subalit si Tatay Digong daw, hindi na kailangang hanapin ito.
"Kanina, ang raming nahirapan makita yung presinto nila. Buti pa si Tatay Digong di na kelangan hanapin presinto niya," aniya.
Sa comment section, isang netizen naman ang bumira sa kaniya.
"May you never suffer having to be separated from your family at an old age like PRRD. Nearing 80 na pa naman ata kayo," anang netizen.
Sagot naman ni Ka Leody, "Hindi naman po kasi ako kriminal."
Matatandaang nasa The Hague, Netherlands pa rin ang dating pangulo, sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC), dahil sa kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kaniya, kaugnay pa rin ng kaniyang drug war sa panahon ng kaniyang administrasyon.
Samantala, sa isang panayam, sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi nakaboto ang ama dahil wala raw ang pangalan ng dating pangulo sa listahan ng "absentee voters."
KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, hindi pinayagang makaboto sa The Hague—VP Sara