Isa pang senior citizen ang naiulat na nasawi habang bumoboto ngayong Lunes, Mayo 12, 2025.
Ayon sa mga ulat, bigla na lang nahulog ang 68-anyos na lola sa kaniyang kinauupuan matapos siyang mawalan ng malay sa loob ng voting precinct sa Maria Elementary School sa President Roxas, Capiz.
Mabilis umanong rumespode ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at dinala ang biktima sa Bailan District Hospital ngunit idineklara na siyang dead on arrival.
Samantala, isang 65-anyos na senior citizen din ang nauna nang naiulat na nasawi sa loob pa rin ng voting precinct sa Oas South Central School, Albay.
Ayon sa mga ulat, nangyari ang insidente bandang 6:05 ng umaga nitong Lunes, Mayo 12, 2025 kung saan nagawa pa raw makaboto ng biktima nang bigla siyang mahilo at mahimatay sa loob ng classroom. Napag-alaman ding limang taon na raw nakakaranas ng pagka-stroke ang biktima na posible umanong na-trigger bunsod ng init at pagpila sa pagboto.
KAUGNAY NA BALITA: Senior citizen, patay matapos atakihin sa puso sa loob ng voting precinct