Iginiit ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na pawang ang mga aberyang nangyari sa eleksyon ngayong Lunes, Mayo 12, 2025, ay nangyayari na raw noon pa man sa mga nakalipas na halalan.
Sa Press briefing nitong Lunes, ipinaliwanag ni Garcia ang naging tugon umano ng komisyon sa mga paulit-ulit na aberya tuwing eleksyon.
“Lahat ng mga nakita nating issues, issues ‘yan kahit noon pa. In fact noon mas sobra-sobra yung issues natin. Pero kanina talaga, naging effective yung mga naging innovations natin. Tulad po ng early voting. Hindi po maitatatwa napakadaming nakbinabang na mga nakatatanda sa early voting,” ani Garcia.
Kaugnay nito, inihayag din ni Garcia na walang “failure of elections” sa bansa.
"Walang failure of elections sa kahit na anong parte ng ating bansa, sa kahit anong presinto, sa kahit anong barangay. At all cost, itutuloy ang eleksyon, at all cost dapat makaboto ang mga kababayan natin sapagkat naghirap silang pumunta sa bawat presinto," anang Comelec chairman.
KAUGNAY NA BALITA: Comelec, idineklarang walang 'failure of elections' sa kahit saang lugar sa bansa