Dumipensa ang Commission on Elections (Comelec) hinggil sa mga naiulat na aberya at pagpalya ng ilang automated counting machines (ACM) sa iba’t ibang polling precincts sa bansa.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, may kinalaman umano ang init ng panahon sa naging aberya sa ACMs.
“Dahil nga sa init, mayroong mga makina, iilan lang naman na piraso ang nag-iinit. Hindi naman tumitigil pero nagluluwa kasi siya ng balota, pero kapag pinasok, tinatanggap na naman. So yun din nakakabagal din yun sa pagboto ng mga kababayan natin,” ani Garcia.
Batay sa mga ulat, tinatayang nasa 200 hanggang 300 ACMs ang kinailangang palitan matapos magkaaberya sa gitna ng botohan.
Dagdag pa niya, “Again, hindi natin na-anticipate yung init ng araw, yung init ng panahon medyo humid pa. Tapos sa loob ng presinto syempre napakadaming tao, napakainit din.”
Tinatayang nasa 68 milyong botante ang inaasahang boboto ngayong eleksyon para sa pagpili ng mga bagong senador hanggang sa konsehal ng bayan.