May 13, 2025

Home BALITA Eleksyon

2 patay, 5 sugatan sa pamamaril sa Silay City ngayong eleksyon; isa sa mga suspek, barangay chairman

2 patay, 5 sugatan sa pamamaril sa Silay City ngayong eleksyon; isa sa mga suspek, barangay chairman
(MB file photo)

Dalawa ang patay at limang iba pa ang sugatan matapos umanong magpaputok ng baril ang isang barangay chairman at dalawa nitong kasamahan habang dumadaan sa Brgy. Mambulac, Silay City, Negros Occidental nitong Lunes ng umaga, Mayo 12.

Hindi pa nakikilala ang dalawang nasawi, habang dinala sa ospital ang mga nasugatan.

Nagsasagawa ng pursuit operation ang pulisya laban sa mga tumakas na suspek.

Isa sa mga ito ay kinilala ng mga awtoridad na si Barangay Lantad, Silay City Captain Arnie Benedicto.

Eleksyon

Mag-inang Aguilar, mamumuno sa Las Pinas; Sen. Cynthia Villar, talo sa pagka-kongresista

Nag-post ang mga netizen ng mga video, na nagpapakita ng ilang indibidwal na nakahandusay sa lupa, habang nagpahayag ng pag-aalala sa insidente.

Tiniyak naman ni Police Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) chief, sa publiko na kontrolado na ang sitwasyon, at ginagawa na nila ang lahat ng kinakailangang aksyon upang dalhin ang mga salarin sa hustisya at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.

“We strongly condemn this act of violence. The full force of the law is being applied to apprehend the suspects,” ani Ibay sa isang pahayag.

Bilang tugon sa insidente, agad na nagpatupad ang PRO-NIR ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at pagpapatupad ng batas.

Ipinadala ang mga imbestigador sa pinangyarihan ng insidente upang mangolekta ng ebidensiya at magsagawa ng mga panayam sa saksi, at itinatag ang mga operasyon ng checkpoint sa buong Silay City at mga kalapit na munisipalidad upang maiwasan ang pagtakas ng mga suspek.

Idineploy rin ang Quick Reaction Team (QRT) upang palakasin ang puwersa ng pulisya ng Silay sa patuloy na manhunt operations, habang ipinakalat ang karagdagang mga tauhan ng pulisya upang mapanatili ang kapayapaan at matiyak ang maayos na daloy ng halalan sa lugar.

Gayundin, isang legal na opisyal ang itinalaga upang tumulong sa pulisya ng Silay sa kaso ng pagbuo at koordinasyon sa mga tagausig.

Tiniyak ni Ibay sa mga mamamayan ng Silay at sa buong rehiyon na ganap na kumikilos ang mga pwersang panseguridad para protektahan ang mga komunidad, lalo na ngayong kritikal na panahon ng halalan.

Glazyl Masculino