Tila na-miss ng mga netizen ang pumanaw na dating senador at kumandidato sa pagkapangulo na si Sen. Miriam Defensor Santiago lalo't eleksyon na sa Lunes, Mayo 12.
Binalikan ng mga netizen ang mga naging pahayag ni Santiago tungkol sa tatlong bagagy na dapat hanapin sa isang kumakandidatong lider ng bansa, nang matanong siya rito sa "PiliPinas Debates 2016" na isinagawa ng GMA Network.
Una, kailangan daw ay may "academic excellence." Tumutukoy ito sa pagiging napakahusay o napakagaling sa larangan ng akademiko. Ito ay kadalasang sinusukat sa pamamagitan ng mataas na mga marka, pagkilala, at pagiging epektibo sa mga akademikong gawain tulad ng pag-aaral, pananaliksik, at iba pang intelektuwal na pagpapaunlad. Ito rin ay may kinalaman sa pagiging responsableng mag-aaral at pagpapakita ng kahusayan sa mga larangan ng pag-aaral.
Paliwanag ni MDS, "There should be an academic excellence. Dapat naging head of the class, o at least naging honor student, dahil kung hindi naman marunong 'yon, ano ngayon ang ibibigay niyang dunong sa atin?"
Pangalawa naman daw, kailangang may "professional excellence." Ang professional excellence ay tumutukoy sa pagiging mahusay, responsable, at etikal sa propesyon o trabaho ng isang tao. Ipinapakita ito sa pamamagitan ng mataas na antas ng kaalaman, kasanayan, at dedikasyon sa tungkulin. Kabilang dito ang patuloy na pag-aaral at pag-unlad sa sariling larangan; mahusay na pakikitungo sa katrabaho, kliyente, at iba pang kausap; pagsunod sa mga pamantayang etikal at propesyonal; at pagkakaroon ng integridad, pagiging maaasahan, at paggawa ng tama kahit walang nakakakita.
"Kung naging propesyunal 'yon, dapat binigyan siya ng mga award ng mga kapwa professional niya dahil sa hanga sila sa kaniya," anang senadora.
Panghuli raw, kailangang may "moral excellence." Tumutukoy ito sa pagiging mabuti, matuwid, at marangal sa pag-uugali at pagdedesisyon ng isang tao. Ibig sabihin nito ay ang pagkakaroon ng matibay na prinsipyo at pagpapahalaga sa tama at makataong kilos, kahit sa harap ng tukso o mahihirap na sitwasyon.
Para kay MDS, ito ay "most important" sa mga katangian ng isang kandidato.
"We should have moral excellence, dapat ang ibinoboto natin walang bahid sa kaniyang record o kung may inimbento man, masyadong hindi kapani-paniwala," aniya pa.