Nakatakdang ilibing ngayong Linggo, Mayo 11, kasabay ng pagdiriwang ng Mother's Day, ang limang taong gulang na batang babaeng nasagasaan ng isang nadiskaril na SUV sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Mayo 4.
Kahit hindi pa tuluyang nakakalakad, pinilit ng nadisgrasya ngunit nakaligtas na inang si Cynthia Masongsong na sumama sa libing para masilayan sa huling pagkakataon ang kanilang anak na si Malia Kates Yuchen Masongsong.
Sa video ng ABS-CBN News, makikitang nakasakay sa isang wheelchair ang tumatangis na ina habang yakap ang gadget ng kaniyang anak. Makikitang tila sinundo siya ng ilang kalalakihan, at sa paligid ay makikita naman ang iba pang mga taong nakasuot ng kulay-puti, na mahihinuhang sasama sa libing.
Matatandaang sinabi ng padre de pamilya na si Danmark Masongsong na nang sabihin na niya sa misis ang nangyari sa anak, tila natandaan daw nito ang kinasapitan ng anak, at kinumpirma lamang kung talaga bang patay na ang kanilang unica hija.
"Ang sabi sa akin, may alam na si Cynthia noong time na nasa ambulance siya, conscious siya noon," kuwento sa panayam ng media kay Madoona Masongsong-Goh, tiyahin ni Malia at kapatid ni Danmark.
"Naririnig ko 'yong kapatid ko (Danmark) na sumisigaw sa labas, isinisigaw 'yong pangalan ni Malia. Parang alam na niya (Cynthia)."
"Kanina noong sinabi ng kapatid ko, ang gusto lang malaman ng hipag ko 'yong confirmation kung talagang wala na 'yong anak niya."
Sa panayam pa kay Danmark, sinabi niyang wala silang balak na i-urong ang kaso upang makamit ang hustisya sa pagkamatay ng kanilang anak.