May 11, 2025

Home BALITA Eleksyon

Sen. Bato, iginiit na dapat iboto ang Duter10 ng mga gusto ng Senadong ‘di hawak sa leeg’

Sen. Bato, iginiit na dapat iboto ang Duter10 ng mga gusto ng Senadong ‘di hawak sa leeg’
(Courtesy: Sen. Bato dela Rosa/FB)

Iginiit ni reelectionist Senator Ronald “Bato” dela Rosa na dapat umanong iboto ang kanilang grupong “DuterTEN” ng mga Pilipinong nagnanais ng Senadong “hindi hawak ng Malacañang” o ninuman.

Sinabi ito ni Dela Rosa sa isinagawang miting de avance ng PDP-Laban noong Huwebes, Mayo 8, na inulat ng Manila Bulletin.

“Kung gusto ninyo na magkakaroon kayo ng Senado na hindi hawak sa leeg, hindi hawak sa ilong ng kung sino man, hindi hawak ng Malacañang, hindi hawak ng ibang branches of government, isang Senado na independente at talagang sinusunod ang doktrina ng checks and balances na magbabantay sa mga pang-aabuso ng iba’t-ibang branches of government, wala kayong ibang gawin kundi iboto itong sampung ito, DuterTEN.” giit ni Dela Rosa.

“Kung tayo’y magkakaroon ng mga mambabatas na ang iniisip ay puro bulsa lamang, goodbye, Philippines! Pero kung ayaw niyong mag-goodbye sa Pilipinas, ang solusyon diyan, itong nasa likuran ko, DuterTEN,” dagdag niya.

Eleksyon

Tito Sotto, bet umukit sa kasaysayan bilang unang senador na naihalal sa ika-5 termino

Pinayuhan din ng senador ang mga botanteng huwag isipin sa araw ng botohan ang mga politikong nagbigay sa kanila ng ayuda, bagkus ay isaalang-alang daw dapat nila ang kinabukasan ng bansa.

“Ang kinabukasan ng mga sumusunod na henerasyon na dapat sila ay hindi manganganib sa problema ng droga, kriminalidad at korapsyon.” saad pa ni Dela Rosa.

Kasama ni Dela Rosa sa “DuterTEN” sina reelectionist Senator Bong Go, mga abogadong sina Jimmy Bondoc, Vic Rodriguez, JV Hinlo, Raul Lambino, Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta, Pastor Apollo Quiboloy, Dr. Richard Mata, at dating aktor na si Philip Salvador.

Nakatakdang isagawa ang 2025 midterm elections sa Lunes, Mayo 12, 2025.