Dalawang senior citizen ang nasawi matapos magkaroon ng stampede ang poll watcher orientation ng isang partido sa Zamboanga City noong Mayo 9, 2025.
Ayon sa mga ulat, isang 80 taong gulang na lola at 65-anyos na lolo ang mga biktimang nasawi habang tinatayang nasa 12 ang sugatang dinala sa ospital bunsod ng nasabing insidente.
Sinasabing dinumog ang nasabing watcher's orientation dahil umano sa ipinangakong ₱2,000 maaaring matanggap ng mga tao. Nagsimula raw magkagulo nang saraduhan ng pinto ng venue ang mga taong nakapila sa sa labas nito.
Ilang indibidwal din daw ang nahilo, tumaas ang presyon at hinimatay. Sa panayam ng media sa Zamboanga Police, ginanap sa magkakaibang venue ang nasabing poll watcher's orientation kung saan may mga pumuntang hindi naman daw watcher ng hindi pinangalanang partido.
Pinahinto na ang lahat ng anumang poll watcher orientation sa lugar habang iniimbestigahan ang nangyaring insidente.